v 15.0
   

Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

 

 

 

 

 

MAIKLING KUWENTO
Euphoria

Ni Carlos M. Piocos III

Ang langit ay/ mataas/ malayo/ napapawi/ naglalaho./
Ang tanging naiiwan lamang/ ay alaala ng pag-angat/ paglalakbay/
at pag-akyat/ sa mataas na alapaap./
Ang matitira'y bakas ng ligayang lango./
Sa huli ay walang langit.


INANOD NG iba't ibang magagaang pakiramdam ang kanyang katinuan, kung mayroon pa ngang natitirang ganoon sa kanyang sarili. Mabilis na uminog ang kanyang mundo, at ang kanyang kapaligiran ay tila isang kaleydiskupyong pinagsirkuhan ng iba't ibang kulay, iba't ibang anyo, sa ibang buhay, sa ibang mundo. Nararamdaman niya ang hangin sa ilalim ng kanyang mga marumi at yapak na mga paa. Nanunuot sa kanyang mga sugat at burog, sariwa pa at tinintahan ng nanunuyong dugo at namumuong nana, ang kakaibang lamig ng hangin. Huminga siya ng malalim at ang kanyang mga baga'y sumalo pa ng biyaya ng mundong kanina pa pinagsasaluhan nilang magbabarkada.

Matagal nang natuklasan ni Epoy ang langit. Kinahahabagan sila ng maraming mga parukyanong dumadambana sa kanilang magagarbong mga kasuotan at nagsisikinang na mga alahas, mga taong nagpapataasan ng ihi sa Immaculate Heart Chapel. Pero para kay Epoy, hindi siya dapat kaawaan. Natunton na niya ang kaluwalhatian, at hindi iyon sa nagsusumamo at hapis na mukha ni Kristong nakapako sa krus sa may altar, hindi kay Mariang nakatikom ang labi't pinagmamasdan siya sa tuwina, at lalong hindi sa mga taong binabalutan ng pagbabalatkayo. Dito sa isang tabi'y nilalasap nilang magbabarkada ang sarap ng kaitaas-taasan.

Pagkatapos makalipon ng ilang mga barya ay bibili na sila ng isang boteng kaligayahan. Ipaghahati nila ito sa supot, at sa isang tabi ay babaybayin na nila ang daan tungo sa kalangitan.

Nagpatuloy sa pagsirko ang kanyang mga mata. Nanunuyo na ang kanyang labi, pati ang kanyang lalamunan. Sa malayo, ay naririnig niya ang pagrereklamo ng kanyang sikmura, subali't ang uhaw at gutom na iyon ay natitikhaw na ng aromang kasalukuyan niyang ninanamnam. 'Singhot pa, singhot. Malapit ka na, singhot pa!' Napapikit na si Epoy. Heto na ang langit…

Pinukaw ng isang malayong alingawngaw ang kanyang palipad-lipad nang balintataw:

"Hoy, bata. Gising!"

Pinilit niyang imulat ang kanyang mga mata at hawiin ang kulay sa kanyang paningin, matagal bago niya namukhaan ang taong gumigising sa kanya.

"Naku, Father, bakit po?" Pinunasan niya ang kanyang mga mata at ginising na rin niya ang ibang mga bata. Walang tumayo. At may namuong pagkainggit sa puso ni Epoy. "High pa 'yung iba. Nakakainis naman si Father. Bakit ako pa ang ginising? Baka mamaya magutom na ako, sayang lang iyong binili ko para ngayong gabi!"
"Bakit kayo natutulog rito?"
"Alam naman po ninyo ang sagot."
Napailing ang pari. "Baka gusto mo nang sa loob na lang matulog. Malamig ngayon, wala ka pang kumot. Baka 'di ka pa kumakain. Pumasok ka muna sa loob."

Hindi na kailangan ni Father Martinez ng sagot. Tumayo na si Epoy. "E sila ho? Sandali po, gigisingin ko muna."

Naramdaman ni Epoy ang paghigpit ng hawak ni Father Martirez sa kanyang braso. "Huwag na. Ikaw na lang." Wala na ang pagkainggit ni Epoy sa natutulog na mga kabarkada pati na rin ang galit sa paring nanggising sa kanya.
"Suwerte nga ako ngayon," naisip ni Epoy, "mabait ang pumalit kay Father Enriquez. Hindi kasing suwapang niya. Akala siguro nila Pipoy, naisahan nila ako ngayon. Bukas, maiinggit sila sa akin."

Pumasok sila sa isang bahagi ng kapilya kung saan nananahanan ang pari. Sa tabi, may makikitang hanay ng mga rebultong bato ng mga santo't mga anghel. Sa umaga, maaamo ang mga iyon habang ang mga nagsisimba ay nagsisipunas ng panyo sa kanilang hinulmang mga damit at talampakan. Ngunit sa gabi, ang pagtama ng malamlam na liwanag ng buwan at pagbalot ng anino sa kanilang mga mukha ay kahindik-hindik tingnan. Para silang mga piping saksi sa kung anong nangyayari sa kapilya tuwing gabi, tahimik na nagbababala. Ang mga mata nila ay parang sumusunod sa mga yabag nina Father Martinez at Epoy. Sa altar, pinagmasdan ni Epoy ang mukha ni Hesus. Lalo itong naghihirap, lugmok at hapis ang mukha. Mukha naman humihikbi si Maria sa malayo.

"Nakahanda sa mesa ang ulam, kumain ka na. Pagkatapos sumunod ka na sa akin sa kuwarto, ha." Iniwan siya ni Father Martinez na pinagpipiyestehan ang pritong isda, munggo at kanin. Kahit malamig na iyon at mukhang tira-tira na lamang ng mga naunang kumain, walang pakialam si Epoy. Matagal rin siyang 'di nakakain ng ayos. At ang pagpuno ng kanin, isda at gulay sa kanyang lalamunan ay isang kalugod-lugod na pakiramdam.

* * *

"Masarap sigurong matulog sa kutson ngayon gabi."
Nagtungo si Epoy sa kuwarto ni Father Martinez pagkatapos niyang kumain at nadatnan niya ang paring nakatihaya sa kanyang kama. Hubo't hubad na ito at ang kinukubli na lamang ng isang manipis na puting kumot kanyang tiyan pababa. Sa buong kuwarto ay may kakaibang samyo-masarap.
Tumayo si Father Martinez. "Umupo ka muna," sabay turo ng pari sa isang lamesita na may dalawang nakahandang upuan. Nakapatong sa mesang iyon ang kung anong puting pulbos sa ilang mga bagay na kapareho ng ginagamit ni Mang Tino, ang kanyang amain kapag kasama ang barkada't nagkakatuwaan. Alam na niya iyon, at nabigla siya sa kanyang natuklasan.
"Ano na nga uli ang pangalan mo?"
"Epoy po." Nakayukong umupo si Epoy sa pabilog na upuan, tila nahihiyang tumingin sa pari.
Lumapit na ang pari kay Epoy at mabagal nitong niyapos ang mga balikat. "Epoy, lagi ka bang natutulog sa labas ng kapilya?"
"Opo." Nakayukyok pa rin si Epoy. Nais niyang tanggalin ang mapanghimasok na mga yapos ni Father Martinez, ngunit hindi niya ito magawa. Inayos ng pari ang kanyang pagkakaupo upang mapalapit pa kay Epoy.
"Nakatikim ka na ba nito?" tanong ng pari habang turo ang puting pulbos sa mesa.
"Hindi pa ho."
"Alam mo, mas masarap ito kaysa sa sinisinghot niyo sa labas."
Patlang.
"Sa tingin ko, mas maaabot mo ang langit dito. Sa rugby, si San Pedro lang ang makakausap mo. Dito, pati ang Diyos." At napuno ng halakhak ang silid ni Father Martinez. "Tara, tirahin na natin ito."

Nasakop ng mapagpalayang amoy ang apat na silid ni Father Martinez. Ang usok niyon ay naging mga ulap, at ang dilim ay napunan na ng iba't ibang kulay, iba't ibang anyo, sa ibang buhay, sa ibang mundo.

Mas malayo ang tinahak nina Epoy ngayon kasama ang pari kumpara kung kasama ang kanyang barkada. Mas mataas ang kanilang lipad. Mas makulay ang kapaligiran sa mala-kalaydiskupyong kalawakan.

At sa kanilang paglalakbay, naramdaman ni Epoy, ang panlalamig ng kanyang katawan. Wala na pala siyang saplot. Naramdaman niya, habang palutang-lutang sa langit, ang malambot na kutson. At sa huli'y naramdaman niya ang matinding kirot. Nasa langit pa rin siya pero, may kakaibang sakit. 'Father Martinez, huwag. Masakit. Father Martinez, huwag. Baka makita tayo ng mga anghel at isumbong tayo sa mga santo. Baka magalit si Kristo. Baka lalong umiyak si Birheng Maria. Father Martinez, huwag!'

Huli na ang lahat. Nakita ni Epoy ang matatalas na mga mata ng mga santo. Napaso siya sa ningas ng galit at pagkamuhi ng kanilang mga mata.

Sumisigaw sila at nakaturo ang kanilang mga kamay kay Epoy. Bumaba sa krus si Kristo. Nakita ni Epoy na hinugot niya ang kanyang kamay mula sa pagkakapako at ang kanyang mga kamay ay pawang nang-aapuhap patungo sa kanila, sa kanyang kamay umagos ang dugo. Lumapit si Birheng Maria kay Kristong humahagulgol. Tumingin kay Epoy si Maria, pati mga luha nito ay dugo na.

Nabalutan siya ng mga taghoy, hikbi at pagsusumamo. Umiikot sa ulirat niya ang sakit. Sumigaw siya ngunit walang nakarinig.

* * *

Hinalikan ng mainit na silahis ng araw ang mga pisngi ni Epoy. Naramdaman niyang kanina pa dinampian ng init ang kanyang mukha. Mataas na ang araw.

Bahagyang nag-unat ng braso si Epoy nang mapansin niyang lahat ng katabi niya ay namamalimos na. Siya na lamang ang hindi. Pilit niyang itinayo ang nanghihinang katawan, ngunit parang manhid ang lahat ng kanyang kasu-kasuhan. Nakita niya ang ilang pasa sa kanyang katawan at naramdaman niya ang pananakit ng kanyang kasukasuhan at ang hapdi ng kanyang kalamnan. Nilapitan siya ng isang kabarkada.

"Inumaga ka yata sa pagtulog ha? Saan ka ba nanggaling kagabi? Hatinggabi na ay bigla ka pang nawala."

Hindi makasagot si Epoy. Naalala niyang pagkalapag nila ni Father Martinez sa lupa ay hindi na siya sa kuwartong iyon natulog. Lumabas na siya. Hindi niya kayang tiisin ang mga sumbong ng mga kerubin, panunumbat ng mga banal, ang pagsusumamo ni Hesus at paghikbi ni Maria. Hindi niya rin matagalan si Father Martinez.

"Hoy, nakikinig ka ba?"

Hindi na naulinigan ni Epoy ang mga tanong ng kumakausap sa kanya. Ang kanyang tingin ay nasa kabilang dulo pa ng kanyang kinaroroonan, sa harap kawan ng mga kambing na nagbalatkayong tupa, sa harap ng mga panatikong kasapi ng isang malawakang kulto, sa harap ng impokrito at mapagkunwaring lipunan, nandoon siya, nakadambana sa ilalim ng basbas ng kabanalan ng Maykapal, binabalutan ng kadalisayan ng puting sotana, at naghahasik ng talinghaga ng magandang balita…

"Mga kapatid, huwag ho, nating tularan ang mga Taga-Sodom at Gomorrah na sinakop na ng kasamaan ang kanilang lipi. Huwag ho nating hintayin ang panahon kung saan ay huhusgahan muli tayo ng Diyos, at sunugin sa impyerno ang ating mga kaluluwa. Ngayon pa lamang po ay gumawa tayo ng kabutihan sa ating kapwa at ipakalap ang magandang balita ng Diyos. Samahan niyo ako, aking mga kapatid, at tahakin natin ang tamang daan tungo sa landas ng buhay na walang hanggan. Amen."
"Amen."

* * *

Hatinggabi na nang bumalik si Father Martinez sa simbahan upang kunin ang kanyang naiwang gamit kanina sa Misa. Sa huling linya ng upuan ay napansin niyang nakaupo nang tahimik si Epoy. Wari'y nagdarasal at sa dilim niyo'y iba ang kislap na kanyang naaninagan sa kanyang mga mata.
"O Epoy, nariyan ka pa pala. Naku, pasensiya ka na, ha. Ubos na ang pagkain, e. Bukas na lang."
Napangiti si Epoy. "Father, mayroon pa ho ba kayo noon'? Gusto ko kasi ngayon."
Nagitla ang pari at tumingin muna sa paligid bago sumigaw. "Epoy lumabas ka na! Wala ako ngayon kaya huwag kang makulit!" Umalingawngaw ang boses ni Father Martinez sa kapilya.
"Sige po, Father, matulog na kayo," wika ni Epoy. "Sa ibang araw na lang. Mukhang pagod na pagod na kayo. Iwan niyo na lang muna ako kasi may ipagdarasal pa ako."
Tumalikod ang pari at nagmamadaling umakyat sa kanyang silid. Kinilabutan siya sa kilos ni Epoy. Baka high lang iyon sa kasisinghot kaya ganoon, ito ang pilit na ipinapasok ng pari sa kanyang isip.
Sa ibaba'y tahimik pa rin si Epoy. Sa katahimikan ng gabi'y naulinigan niya ang mga tinig sa kuwarto ng pare.
"Father, okay ito a!"
"Sabi ko sa iyo, e. Sige tira pa!"

Maya-maya'y narinig niya ang malakas na pag-ungol ni Popoy. Matunog ang halakhak ni Father Martinez. Impit naman ang paghiyaw ni Popoy.

Pinakinggang mabuti ni Epoy ang mga pigil na sigaw ng kabarkada mula sa ibaba ng kapilya. Narinig na naman niyang nanangis ang mga anghel at kerubin, nagwawala na naman ang mga santo, nagmamakaawa si Hesus at si Maria, nananaghoy na naman. Malakas ang mga tinig na iyon kasama ang mga pagsusumamo ni Popoy at pagtawa ni Father Martinez. Nagkahalu-halo na ang tunog sa nakabibinging katahimikan ng gabi.

Tumayo na si Epoy. Hawak-hawak niya ang mga pinamili niya sa sasampung pisong nalimos ngayong araw. Sa isang kamay ay hawak-hawak niya ang kahon ng posporo, sa kabila ay isang galon ng gas. Umaakyat na siya tungo sa silid ni Father Martinez.

"Mga kapatid, huwag ho, nating tularan ang mga Taga-Sodom at Gomorrah na sinakop na ng kasamaan ang kanilang lipi. Huwag ho nating hintayin ang panahon kung saan ay huhusgahan muli tayo ng Diyos, at sunugin sa impyerno ang ating mga kaluluwa. Ngayon pa lamang po ay gumawa tayo ng kabutihan sa ating kapwa at ipakalap ang magandang balita ng Diyos. Samahan niyo ako, aking mga kapatid, at tahakin natin ang tamang daan tungo sa landas ng buhay na walang hanggan. Amen"
"Amen."

---------------
Si Carlos M. Piocos III ay kasapi ng UP Ugat.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Pesteng PPA at mga Tinig na Nagpupumilit Marinig

SA ISYUNG ITO
Admission of a So-Called Weirdo
By Jason Laxamana

PPA 101
By Andy Darag

Kabataan Para sa Bagong Pulitika
Ni Mao Ocson

Because We are Too Young?
By Hexel Dagooc

Mga Pagtatapat
Ni Ien

Dying in Due Time
By Felix Voltaire P. Lerio II

Isang Oras at Kalahati sa Piling ng Parokya ni Edgar
Ni Jamaica Pascual

Mga Alaalang Sinusundo ng Eraserheads
Ni Ederic Peñaflor Eder

Dakila
Ni John Melton

NATATANGING TAMPOK
Ang Dalagita at ang Binatilyo
Ni Alberto Florentino

KOLUM
Daluyong
Ni Mong Palatino

Alipato
Ni Alexander Martin Remollino

MAIKLING KWENTO
Euphoria
Ni Carlos M. Piocos III

MGA KUWENTONG PP2
Ang Gabi ng Poot at Pagkatapos
Ni Alexander MArtin Remollino

TULA
Katay#1
Ni Carlos M. Piocos III
Dalawang Buwang Kahibangan
Ni Vlad Gonzales
Sa Dalampasigan Nitong Panaginip
Ni Jeffrey Magtoto Espiritu
Mythmaking
By April Tamin
Crushome
By John Melton
When the Sun Shines
By
Carlo Aristotle Remollino

 

 

 

Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved