TULA
Katay #1: Tatlong Araw ng Talinghaga Kasama Ka
Ni Carlos
Piocos III
Alas-tres
ng hapon, ika-20 ng Abril 2002:
Nilathala kita
sa aking isip
Habang sinasalaysay mo ang iyong kasaysayan
Mga misteryo't kagilagilalas na pakikipagsapalaran
Ginuhit kita bilang Jean d'Arc, sa iyong espadang pluma
Na parang punyal na tumarak sa kawawa kong papel
Pumusitsit mula rito ang itim na dugo
Tumulo mula sa puti at malinis nitong mukha
Tuloy pa rin ang iyong pagsalaysay,
Pagtumbok, pagsaksak at paghihimaymay
Ng malapad na papel na aking isinulat
Nilathala kita mula sa iyong kasaysayan
Alas-singko
ng hapon, ika-25 ng Abril, 20002:
Inimprenta ko
na ang aking obra
Bakas pa rin ang mga impresyon
Ng mga sugat na iyong nilikha
At muli'y tinatunton natin ang aking likha
Muli binigkas natin habang ang mga salita't diwa'y
Malayang nilipad ng usok at ispirito ng alak
Sa ating mga kamalayan
Lango, lunod, sa diliryo ng talinghaga
Nakita natin ang bukang-liwayway sa pagtatakipsilim
Alas-diyes
ng hapon, ika-1 ng Mayo, 2002
Hinintay kita
sa kanlungan ng mga duklay
Ng malalagong dahon
Ngayon tayo magdiriwang, ngayon nating hahanguin muli
Ang ating sarili palabas sa kabaliwan
Ngunit hindi ka dumating, hindi mo ininda
Ang aking paanyaya
Dahil sabi mo, mas makabuluhan ang iyong lakad
Sabi mo, sabi mo, at ilan pang litanya ng dahilang
Unti-unti ko nang napagtagpi sa mga araw
Ng ating pagsiping sa kahulugan
At muli, naaninag kita bilang Jean d'Arc
Nakataas sa kanang kamay ang iyong espadang pluma
Sa gitna ng sikat ng araw, sa gitna ng liwanag
Sa gitna ng mga sigaw
At sa huli'y sumakay rin ako
Sa bus patungong Mendiola
Upang makasama kita
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|