v 15.0
   

Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

 

 

 

 

 

Bagong Pangalan Pero Bulok Pa Rin

Daluyong
Mong Palatino

NGAYONG PASUKAN ay nakatakdang ipatupad

na sa mga eskuwelahan ang National Service Training Program (NSTP). Mukhang wala nang atrasan para sa ipinagmamalaking programa ng pamahalaan at militar na gagawing opsyonal daw ang pagkuha ng kinamumuhiang ROTC sa kolehiyo.

Kung tutuusin, dapat ipagbunyi ito ng mga kabataan. Hindi ba't ilang taon na nating gustong lumaya sa gapos ng mga militarista sa kampus?

Mula sa simula ay napakalinaw ng ating posisyon: kung hindi aalisin ang ROTC ay huwag itong gawing rekisito sa pagtatapos sa kolehiyo. Panahon na upang lisanin ng militar ang ating mga pamantasan.

Subalit Oktubre pa lamang, habang niluluto sa Kongreso ang panukala ng militar na ipalit ang NSTP sa ROTC para palamigin ang mainit na kampanyang anti-ROTC ng mga estudyante ay batid na nating gagawa ng paraan ang pamahalaan upang maisalba ang isinusuka nating ROTC.

At ganoon nga ang nangyari.

Malayung-malayo ang NSTP sa ating ipinaglalaban. Malawak pa rin ang saklaw ng militar sa bagong programa, kahit sa Civil Welfare Training Service (CWTS) at Literacy Training Service (LTS).

Bokabularyo ng militar ang ginagamit sa pagbubuo ng pamantayan at Implementing Rules and Regulations (IRR) ng NSTP. Pansinin halimbawa ang ilan sa dapat ihanda ng mga eskuwelahan sa pagpapatupad ng bagong programa: account logistics, branch of service at geographical locations.

Kasama ang Department of National Defense (DND) sa paggawa ng disenyo at pangangasiwa ng lahat ng programa ng NSTP. Kahit sa paggawad ng rekognisyon sa mga nongovernment organization na gagawa ng modyul at mangunguna sa CWTS at LTS ay kabilang sa mga pribilehiyo ng DND.

Bakit ang mga graduate ng CWTS at LTS na magiging bahagi ng National Service Reserve Corps ay nasa ilalim pa rin ng pangangasiwa ng DND samantalang ang mga ito ay non-military component ng NSTP?

Ipinapakita nito na ang buong pakete ng NSTP, kasama ang CWTS at LTS ay nasa balangkas pa rin ng isang pagsasanay militar. Hindi ito nakapagtataka dahil ang guiding principle ng batas ay nakaangkla sa pangangailangan diumano sa "responsibility of all citizens to defend the security of the State," kaya't ang pamahalaan daw ay maaaring mag-atas sa bawat Pilipino na magbigay ng pangmilitar at sibikong serbisyo.

Samakatuwid, nilalansi tayo ng pamahalaan sa tuwing ipinangangalandakan nito na opsyonal na lamang ang pagsasanay militar na tinututulan natin. Maraming mga probisyon sa batas na sumasalungat sa layon na gawing opsyonal ang pagkuha ng ROTC at marami din ang mga malalabong probisyon na maaaring langkapan ng ibang interpretasyon upang patatagin ang ROTC sa mga eskuwelahan.

Dahil ang gastos sa pagpapatupad ng CWTS at LTS ay aakuin ng mga eskuwelahan, hindi malayong isantabi na lang muna nila ito at ang hayaang manatili ang kasalukuyang programa ng ROTC dahil bukod sa wala silang responsibilidad na pangasiwaan ito ay hindi pa sila gagastos. Para sa mga State Universities and Colleges (SUCs) na nahihirapang umangkop sa kapos nilang badyet, praktikal para sa kanila ang pagpapatupad ng ROTC lamang. Kalkulado ang hindi paglalagay ng probisyon sa batas ukol sa paglalaan ng pondo para sa ibang programa ng NSTP upang sa kahuli-hulihan ay babagsak din sa ROTC ang mga estudyante.

Obligado naman ang mga SUCs na ibigay ang kursong ROTC bukod sa CWTS at LTS. Pero tahimik ang batas kung ilan ba dapat ang minimum na bilang ng mga estudyante sa iba't-ibang programa ng NSTP. Maaaring maliit na bahagdan lamang ng mga estudyante ang pakuhanin ng CWTS at LTS at ang natitirang kalakhan ay sa ROTC mapunta.

Kahit ang isang eskuwelahan na may hangaring ibigay ang CWTS at LTS pero nakatali ang mga kamay dahil hindi pa rin nabubuo ang IRR, minimum standards, modyul at programa para dito, ay walang magagawa kundi bumalik ulit sa ROTC. Kapos na ang panahon sa paghahanda upang sa ngayong pasukan ay maipatupad na nang maayos ang CWTS at LTS.

Isa pang dahilan kung bakit mabilis na lumawak ang oposisyon sa ROTC noon ay ang dagdag-bayaring ipinapataw sa mga estudyante. Walang pagbabagong ginawa sa NSTP kung pag-uusapan ang gagastusin ng mga estudyante. Aabot ng 50% ng basic charge ng eskuwelahan per academic unit ang sisingiling tuition sa mga estudyante. Hindi pa kasama dito ang mga modyul, uniporme, at iba pang kagamitan na maaaring ibenta ng eskuwelahan. Ayon sa batas, kailangan din ang health and accident group insurance at maaaring maningil ng bayarin hinggil dito. Asahan nating gagamitin itong pagkakataon ng mga ganid na kapitalista-edukador upang mag-imbento ng mga ipapataw na bayarin sa mga estudyante.

Malaki ang kikitain ng mga eskuwelahan dahil pati kababaihan ay sakop ng NSTP. Balak yata ng pamahalaan na gawing isang malaking garison ang mga eskuwelahan. Sa susunod tatawagin na nating Camp U-Belt, Camp Intramuros, Camp Taft Avenue at Camp Loyola Belt ang mga sentrong eskuwelahan sa Maynila dahil imbes na humina ay lalo pang lumakas ang presensya at kontrol ng militar sa mga sekular na eskuwelahan ng bansa.

Malaking kasinungalingan ang sinasabi ng pamahalaan na bubuhayin ng NSTP ang diwa ng boluntarismo sa mga kabataan. Kaninong konsepto kaya ng boluntarismo ang pagbibigay ng pinansyal na insentibo (basahin: suhol) sa mga estudyanteng kukuha ng ROTC? Anong diwa ng boluntarismo ang bubuhayin kung ito ay hindi bukal sa kalooban ng mga estudyante dahil rekisito lamang ito sa pagtatapos? Binabaluktot ng NSTP ang esensya ng paglilingkod sa kapwa.

Kung nakinig lamang ang pamahalaan, militar at ang Kongreso sa mga estudyante noong isang taon ay malalaman nilang mayaman ang karanasan ng maraming eskuwelahan sa pagpapatupad ng mga programang tunay na nag-aanak sa diwa ng boluntarismo. Mga programang nilalahukan ng maraming estudyante dahil nais nilang maglingkod sa kapwa at komunidad at hindi dahil rekisito ito sa pagtatapos.

Dapat pinag-aralan muna ang karanasan ng Ugnayan ng Pahinungod ng UP, Office of Social Involvement ng Miriam, Office for Social and Community Institute ng Ateneo at iba pang social desk ng mga Katolikong pamantasan kung anu-ano ang kalakasan ng mga programang ito sa paglinang ng diwang makabayan ng mga estudyante. Ang paglilingkod sa kapwa ay nagagawa kahit hindi gamitin ang pamantayan ng militar. Maaari namang lumahok ang mga estudyante sa mga human rights education advocacy, community immersion, ecological service, medical training at iba pang serbisyo na kapaki-pakinabang sa komunidad. Ito ay mga alternatibo sa ROTC na tanggap ng mga estudyante.

Kung ang mga estudyante ng UP Diliman, Manila at Los Banos ay kasama sa mga aktibong lumaban sa pananatili ng ROTC kahit 1997 pa lang ay ipinapatupad na ang expanded ROTC program (civic welfare service at law enforcement service) sa kanilang eskuwelahan na pinag-ugatan ng NSTP, nangangahulugan ito na isang kabiguan at kalokohan ang alternatibong gustong ipakain sa atin ng militar.

Iniinsulto ng NSTP ang matapang na paghamon ng mga estudyante sa bulok na sistema ng ROTC. Sa pagtitilad-tilad natin ng isyu ay masasabi natin nang may buong giting na hindi tatapusin ng NSTP ang karahasan, corruption, paglabag sa karapatang pantao at machismo na sinusuhuyan ng militar sa ating mga pamantasan. May susunod pang mga Seth Lopez, Mark Chua at Samuel Rodico dahil hindi pa rin nababago ang kalakarang bumihag at pumatay sa kanila.

Bagong pangalan ng ROTC ang NSTP. Ngunit kahit anong gawing pagbabalatkayo, hindi nito matatago ang masangsang na amoy ng isang bulok na institusyon.

---------------
Si Mong ay pangulo ng National Union of Students of the Philippines at dating chairperson ng UP Diliman Student Council.

 

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Pesteng PPA at mga Tinig na Nagpupumilit Marinig

SA ISYUNG ITO
Admission of a So-Called Weirdo
By Jason Laxamana

PPA 101
By Andy Darag

Kabataan Para sa Bagong Pulitika
Ni Mao Ocson

Because We are Too Young?
By Hexel Dagooc

Mga Pagtatapat
Ni Ien

Dying in Due Time
By Felix Voltaire P. Lerio II

Isang Oras at Kalahati sa Piling ng Parokya ni Edgar
Ni Jamaica Pascual

Mga Alaalang Sinusundo ng Eraserheads
Ni Ederic Peñaflor Eder

Dakila
Ni John Melton

NATATANGING TAMPOK
Ang Dalagita at ang Binatilyo
Ni Alberto Florentino

KOLUM
Daluyong
Ni Mong Palatino

Alipato
Ni Alexander Martin Remollino

MAIKLING KWENTO
Euphoria
Ni Carlos M. Piocos III

MGA KUWENTONG PP2
Ang Gabi ng Poot at Pagkatapos
Ni Alexander MArtin Remollino

TULA
Katay#1
Ni Carlos M. Piocos III
Dalawang Buwang Kahibangan
Ni Vlad Gonzales
Sa Dalampasigan Nitong Panaginip
Ni Jeffrey Magtoto Espiritu
Mythmaking
By April Tamin
Crushome
By John Melton
When the Sun Shines
By
Carlo Aristotle Remollino

 

 

 

Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved