Kabataan
Para sa Bagong Pulitika
Ni Mao Ocson
KABATAAN, TAYO
ang pag-asa ng bayan ayon kay Dr. Jose Rizal na itinuturing na bayani
ng mga Pilipino. Tayo ang inaasahang katuwang ng ating mga magulang
sa pagbuo ng isang maayos at masayang pamilya.
Tayong mga kabataan
ay may kanya-kanyang bahagi sa lipunang ating ginagalawan. Mayroong
kabataang magsasaka sa kanayunan, kabataang manggagawa sa pabrika
at iba pang pagawaan, may kabataang propesyunal, kabataang mag-aaral,
at may kabataang nasa kalye lamang. Bagamat magkaiba tayo ng mga
uri at papel sa ating lipunan, tayo'y bahagi pa rin sa pagpanday
at pagbuo ng isang makatarungang at responsableng pamahalaan.
Ilan na bang
balita ang ating nabasa, narinig, at nakita tungkol sa ilang kabataang
nagbuwis ng kanilang buhay para sa kanilang piniling pakikibaka
sa buhay? May mga kabataang nag-aarmas, merong nasa pamahalaan at
nasa parliamentaryo, may mga nakikisangkot sa pamamagitan ng pagsali
sa cause-oriented groups, at mayroon ding mga kabataang mulat sa
nabubulok at gasgas na sistema ng ating pamahalaan.
Ang kabataan
ngayon ay masyado nang vocal sa pagpuna sa sa maling palakad ng
ating pamahalaan. Masasabing may alam sa na rin tayo sa mga issue
ngayon, sa mga usapin ng ekonomiya at pulitika.
At minsan pa,
sa kasaysayan ng ating bayan ay muling pinatunayan nating mga kabataang
Pilipino ang ating lakas at pagkilos para sa pagbabago ng ating
bayan. Sa People Power 2, kung saan karamihan sa mga nakibahagi
ay mga kabataang Pilipinong mula sa ibat-ibang uri at katayuan sa
lipunan, tayo ay nagsama-sama para sa isang makabuluhang pakikibaka.
Sino nga ba
ang magsasabi ngayong ang mga kabataan ay puro na lang MTV, party
o kaya ay gimik lang ang alam?
Nitong nakaraang
Mayo 20-21 ay nagkaroon ng special registration para sa kabataang
may edad 15 hanggang 17 para sa Sangguniang Kabataan (SK) election
sa darating na Hulyo 15. Ang naturang eleksiyon ay bahagi lamang
ng malawak na hakbang ng mga kabataang Pilipino para sa kanilang
dagdag na kamalayan sa usaping elektoral, partikular sa pakikilahok
sa pamumuno sa baranggay.
Sa pagpasok
sa SK, kailangang panghawakan natin ang ating responsibilidad na
maging bahagi ng isang pakikibaka para sa tunay na pagbabago sa
ating pulitika. Maging aktibo sana tayo at mapagbantay sa ating
lipunan dahil tayo ang siyang hahalili at magsusulong ng mga nasimulang
pakikibaka ng ating mga magulang.
------------------
Si Mao Ocson ay kasapi ng Anakbayan at kasama sa staff ng Center
for Media Freedom and Responsibility.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|