v 20.0
Setyembre 19 , 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook
BAYANI
Lean

Ni Alexander Martin Remollino

Lean Alejandro - Photo from CyberDyaryoNOONG HULYO 10, 1960, isang bayani ang isinilang: si Leandro "Lean" Alejandro.

Sa panahong itong ang itinatanghal na mga huwaran ng kabataan ay karamiha'y mga artistang alingawngaw ni Ate Glo, napapanahong pagnilayan ang kanyang naging buhay.

Sino nga ba si Lean?

Kakabit ng pangalan ni Lean ang aktibismo; kapag inisip siya ng mga nakakikilala sa kanya, maiisip nila ang aktibismo. At bakit hindi? Paslit pa lamang siya'y tila nakatakda nang ang landas ng aktibismo ang kanyang tatahakin. At nang siya'y paslangin ng mga duwag, isa siyang lider-aktibista.

Sampung taong gulang pa lamang siya nang kanyang ipamalas kung anong uring tao siya. Noo'y naroon siya sa aklatan ng kanilang paaralan, pilit na nanghihiram ng encyclopedia. Pilit din namang tinatanggihan siya ng tagapamahala ng aklatan, sa kadahilanang ayon sa mga patakaran ng paaralan, ang mga nasa higit na matataas na antas lamang ang maaring manghiram ng encyclopedia. Nag-iiyak si Lean, at sa kaguluhang nilikha ng pangyayaring ito'y kinailangang ipatawag ang kanyang ina. Nang siya at ang kanyang ina'y kausapin ng mga administrador ng paaralan, napag-alamang kaya niya ibig na manghiram ng encyclopedia ay sapagkat ibig niyang saliksikin doon kung paano magagamot ang isa sa kanilang mga alagang kuting, na noo'y tuluy-tuloy ang pamamayat.

Ayon sa kanyang ina, ang ganitong pagiging mapag-aruga ay hindi lang sa mga hayop ipinamalas ni Lean kundi maging sa kanyang mga kapwa tao. Sa katunayan, ang bahay raw nila'y di mawalan-walan ng tao sapagkat ang bawat manghingi ng tulong kay Lean ay kanyang pinatutuloy.

Datapwat di lang ang pagiging mapag-aruga ang ipinamalas ni Lean sa naturang pangyayari sa aklatan. Higit pa riyan, ipinamalas niya sa napakabatang gulang ang kahandaang labanan ang kairalan kung ito'y taliwas sa matwid.

At ang kanyang pagsalungat sa kairalan ay walang kinilalang banta ng kapahamakan. Noong siya'y nasa ikaapat na taon ng haiskul, nanganib siyang hindi makatapos dahil sa pagtangging sagutin ang aniya'y walang katuturang mga tanong sa isa sa kanilang mga pagsusulit. Nang siya'y kausapin ng mga guro ay mahusay niyang naipaliwanag ang kanyang panig at pinayagan siyang makatapos.

Sa paaralan, nakilala si Lean bilang isang rebeldeng intelektuwal. Siya yaong uring mag-aaral na hindi papayag na ang mga utak ng kanyang mga kamag-aral ay masaksakan ng mga kahangalan, kasinungalingan, at kahibangang madalas-dalas ding sumulpot sa ating mga silid-aralan dahil sa kabulukan ng sistemang pang-edukasyong itinatag ng mga Amerikanong mananakop sa ating bansa, na magpahanggang sa mga araw na ito'y patuloy na umiiral. Nakikipagtalo siya sa kanilang mga guro—at nadadaig niya ang mga ito. Nang siya'y nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), sinabi niyang ang silid-aralan ay hindi dapat na pabayaan ng mga aktibista sapagkat maaari itong maging isang lunan kung saan masasalungat ang mga ideya ng mga reaksiyunaryong propesor.

Sa UP nagsimula ang aktibismo ni Lean. Bilang kasapi ng Youth for Nationalism and Democracy (na iba sa ngayo'y kilalang grupong gayundin ang pangalan) at manunulat ng Philippine Collegian, isa siya sa mga napatampok na personalidad sa aktibismo ng kabataan noong mga huling taon ng diktadurang Marcos. Masigasig siyang nanawagan at kumilos hindi lang alang-alang sa pagpapabagsak sa diktadura, kundi alang-alang din sa pagtatatag ng isang tunay na malaya at demokratikong lipunan.

Noong 1985, itinatag ang Bagong Alyansang Makabayan—isang alyansa ng mga progresibong puwersang mula sa mga hanay ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang tagalunsod, mangingisda, katutubong mamamayan, kababaihan, kabataan at mag-aaral, artista at manunulat, propesyunal at kawani, at taong-simbahan—sa ilalim ng pamumuno ng dating Senador na si Lorenzo "Ka Tanny" Tañada. Dala ng nasabing alyansa ang saligang simulain ng tunay na kalayaan at demokrasya. Si Lean ang nahirang na Pangkalahatang Kalihim ng alyansang ito.

Sa isang panayam, pinuri ni Ka Tanny si Lean bilang "siyang susunod na dakilang makabansa."

Sa kauna-unahang halalan sa ilalim ng panunugkulan ni Corazon Cojuangco-Aquino, si Lean ay kumandidato sa isang posisyon sa Navotas-Malabon, subalit siya'y natalo ni Teresita Aquino-Oreta, na ngayo'y kilala sa kanyang pagsasayaw na wari'y isang belyas matapos na mahadlangan ang pagbubukas ng isang sobreng naglalaman ng mga katibayang magagamit sana sa paglilitis ng Senado sa dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada.

Matapos na mabigo sa pagtatangkang dalhin ang aktibismo sa pulitikang panghalalan, ipinagpatuloy ni Lean ang pakikisangkot sa parliyamento ng lansangan.

Noong Setyembre 19, 1987, sa kasagsagan ng "muling binuhay na demokrasya" ng pamahalaang Aquino, si Lean ay pinaslang ng hanggang ngayo'y hindi pa nakikilalang mga salarin.

Maikli lang ang naging buhay ni Lean. Subalit sa kanyang 27 taong inilagi sa daigdig na ito ay marami siyang nagawa alang-alang sa bayan.

May mga taong bagama't maikli lang ang naging buhay ay higit pang nabuhay kaysa roon sa mga nabuhay nang higit na malaon. Isa sa mga taong ito si Leandro "Lean" Alejandro.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Maalaala Mo Kaya?

BAYANI
Remembering Lean
By Marites Sison
Lean ni Alex Remollino
Lean ni Gary Granada

SA ISYUNG ITO
Remembering Treason

Closed Ears and Stifled Voices
By Dennis Aguinaldo

To Kris with Love
By Karla Maquiling

Strange
By James Nicolay

Where's the Enemy?
By Carla Montemayor

E-mail
Ni Sherbien Dacalanio

Talahib
Ni Rodel Mayores

Reap What You Sow
By Roland Simbulan

The Problem with BIR Is Not Rats But Termites
By Jayson Edward B. San Juan

KOLUM
Daluyong
Mong Palatino

Pitik
Vlad Gonzales

Alipato
Alexander Martin Remollino

LATHALAIN
International Conference Tackles Violence Against Children
By Alfred A. Araya, Jr.

Astig: Pagdadamit sa Gamitan
Ni Tembarom

'Text Tax: Terorismo!'

MGA KUWENTONG PP2
Magagaang Sandali sa EDSA noong Enero 18, 2001
Ni
Alexander Martin Remollino

MAIKLING KUWENTO
Tumbang Preso
Ni Vlad Gonzales

Gold from the Fields
By Felicia Sanchez

TULA
Kaming Nagsusuot ng Butas na Maong
Ni Alexander Martin Remollino

Idlip
Ni Arianne Angela Solis

KATAGpuan ng Magkaibigan

Ni Lourdes Zorilla

Your Smile
Ni Anna Sanchez

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved