|
Aktibismo Noon at Ngayon
| Alipato |
 |
| Alexander
Martin Remollino |
ANG PANAHON
ng Batas Militar ay panahong naglagablab ang mga ningas ng aktibismo.
Una'y sa lihim na paraan isinagawa ang pakikitalad, at noong 1975
ay pumutok sa larangang lantad sa pamamagitan ng pag-aaklas ng mga
manggagawa sa La Tondeña. Magmula noo'y nagsama ang mga lihim
at lantad na pamamaraan ng aktibismo.
Pangunahing
naging kaaway noon ng aktibismo ang pasismo ng rehimeng Marcos.
Datapwat di
lang ito ang kaaway, pagkat ang pasismo'y hindi sumusulpot nang
kung paano na lamang; ito'y laging may ipinagtatanggol na kaayusan.
Ang pasismo'y ang pagsakay sa nagbabantang rebolusyon upang linlangin
ang masa at pagkatapos ay gamitin ang mga puwersa ng estado upang
ito'y pigilin.
Ano ang ipinagtanggol
ng pasismo ng rehimeng Marcos?
Bago ipahayag
ang Batas Militar, ang lipunang Pilipino'y nakaratay na dahil sa
papatinding pangingibabaw ng mga monopolyong Amerikano sa ating
ekonomiya, pagsakyod ng ating patakarang panlabas sa dikta ng Estados
Unidos, piyudal na pagsasamantala sa sambayanan, at katiwalian sa
pamahalaan. Dahil dito'y palaki nang palaki ang bilang ng mga mamamayang
nananawagan ng pagbabago sa balangkas ng lipunan.
Bilang katugunan,
ipinahayag ni Marcos ang Batas Militar sa likod ng tabing ng isang
"rebolusyon mula sa gitna".
Sa halos dalawang
dekada ng Batas Militar, nakitang maliwanag na ang rehimen ay hindi
isang rebolusyonaryong pamahalaan kundi isang diktadura. Ang mga
nilapatan ng puwersa ng estado ay hindi ang kairalan kundi ang mga
sumasalungat dito.
Sa harap nito,
ang mga ningas nga ng aktibismo'y naging lagablab. Lumawak nang
lumawak ang mga puwersa ng pagtutol, hanggang sa isang araw noong
1986, ang buong baya'y nagising na si Marcos at ang kanyang pamilya'y
nagsisilikas patungong Hawaii.
Tatlong dekada
na mula nang ipahayag ang Batas Militar. Wala na si Marcos. May
silbi pa ba ang aktibismo sa ngayon?
Walang alinlangang
mayroon pa. Oo nga't napakalaking pinsala ang idinulot ng Batas
Militar sa ating bayan. Ngunit ang Batas Militar ay inianak lamang
ng pangkasaysayang tendensiya ng mga naghaharing uri na pangalagaan
ang mga natatamasa nilang pribilehiyo sa ilalim ng umiiral na kaayusan.
Ang kaayusang ipinagsanggalang ng Batas Militar ay narito pa rin,
at patuloy na nagbabantang mag-anak ng isa pang Batas Militar dahil
sa mga batas ng kasaysayan.
Hanggang sa
hindi nalulunasan ang mga sakit ng lipunang Pilipino, mananatili
ang pangangailangan sa isang matibay na kilusang aktibista.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|