|
Talahib
Ni Rodel Mayores
PANGKARANIWANG
TANAWIN sa mga kanayunan ang malalawak na talahiban.
Nakawiwiling
pagmasdan ang mga damong ito lalo na kung panahon ng pamumulaklak
kung saan nagmimistulang malawak na kaulapan ang mga animo bulak
na bunga nito.
Ngunit kadalasan
ay nababalewala natin ang halaga ng talahib. Alam natin na ang murang
katawan nito ay ngsisilbing pagkain sa ilan sa mga alaga nating
hayop. Ang katawan naman nito ay ginagamit sa paggawa ng walis o
kaya ay picture frame. Marami pang ibang kagamitan ang damong ito
ngunit nababalewala ang mga ito kung kaya't kadalasan ay binubunot
ito ng mga tao o kaya ay pinuputol o tinatabas.
Pero sa kabila
ng ginagawang paraan ng tao upang ang damong ito ay mapuksa, kamangha-mangha
pa ring nananatili syang buhay at tila lalo pang dumadami.
Kailangan lang
nya ng hangin upang mabuhay na muli sa ibang lugar.
Tayong mga Pilipino
ay may pagkakapareho sa mga talahib. Sa paglipas ng panahon, nananatili
tayong nakatayo sa abot ng ating makakaya. Nadisiplina tayo ng kahirapan
at dumaan sa napakaraming pagsubok. Nariyang makaranas tayo ng pagmamaltrato
ng ating mga karatig-bansa, nariyan ding laitin tayo at ituring
na parang hindi tao ng ibang bansang pinaglilingkuran ng ilan sa
ating mga kababayan at ipamukhang tayo ay dukha at walang kakayahan.
Pero sa kabila nito ay tumatayo tayo at pinatutunayang kaya nating
tumayo at lumaban sa kabila ng ating naghihikahos na ekonomiya.
May aral tayong
makukuha sa talahib na ito. Hamak at damo sa paningin ng karamihan
ngunit nabubuhay kahit sa pangit at tuyot na klase ng lupa. Maaari
itong putulin o tabasin ngunit tutubo at tutubo itong muli. Dadapa
sa hampas ng hangin ngunit muling babangon at iwawagayway ang kanyang
magaspang na dahon na tila nagsasabing "narito ako at handang
lumaban sa hamon ng panahon".
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|