|
Bakit Pitik?
| Pitik |
 |
| Vlad
B. Gonzales |
PITIK—MABILIS,
maiksi, umuubos ng kakarampot na sandali at kadalasan ay binibigyan
ng maliit na pagpapahalaga. Pitik—mga sandaling sandali ng
pag-alaala at paglimot sa mga bagay-bagay at buhay-buhay na minsan
ay humaging sa ating isip at puso. Pitik.
***
Ito yung isang
tawag namin sa pagnanakaw ng gamit. Ang ibang tawag namin dito ay
pandirigma. At kapag binanggit na ito'y maaalala ko ang isang kaklase
noong nasa elementarya ako, ang kanyang mabilis na pandirigma, ang
mahusay niyang pagpitik ng mga bolpen, papel, notebook, panyo, libro
at mga wallet na kapag nahuli namang nasa bag niya'y itatanggi niyang
siya ang gumawa.
***
Sa commercial
ng sigarilyo, may lalaking pumipitik, tapos nagkakaroon siya ng
magic. Magkakaroon din siya ng magandang kotse at babae sa pagtatapos
ng commercial. Ito rin ang ginagawa ng bida kapag gusto niyang maglaho
ang mga bagay na ayaw niya, yung pagpitik.
***
Ito yung ginagawa
ng pinsan ko kapag ginigising niya yung gagamba niyang natutulog
sa loob ng bahay na yari sa kahon ng posporo. Pinipitik din siya
sa tenga ng nanay niya kapag ginagabi siya ng uwi dahil sa kanyang
gagamba hunting sa may kakahuyan. Natigil din naman yung pagpitik
sa tenga niya, kasi nakagat siya ng dahong palay noong nanghuhuli
siya ng pulang gagamba, tapos namatay siya. Ang bilis daw ng mga
pangyayari, sabi ng isang kapitbahay. Parang pitik.
***
Lolo ko, Tito
ko, kaibigan ko, kaklase ko. Parang pitik din yung pagkawala nila.
Tipong isang araw ay kakuwentuhan ko pa sila, pagkatapos patay na
pala sila kinabukasan. At kapag inaalala ko ang mga bagay na natatandaan
ko tungkol sa kanila, parang puro walang kuwenta ang maiisip ko,
kaya sasabihin ko sa sarili kong wag nang pag-isipan ang mga taong
patay na. Kaya mag-iisip ako ng mga taong buhay pa, tapos malalaman
kong yung iba ay wala ring kuwentang pag-isipan kahit na buhay pa
sila.
***
Relasyon, pagkakaibigan,
pag-iibigan, pagtatalo, nag-uumpisa at nagtatapos na parang pitik.
Mabilis at may saltik sa kaloob-looban. Kapag mahalagang punto'y
nakakalimutan, habambuhay namang natatandaan ang kalokohan.
***
Pitik-bulag,
madalas akong natatalo rito. Ito yung magtatakip ka ng mata tapos
may pipitik at pag-alis mo ng takip sa mata mo'y huhulaan mo kung
anong daliri ang ginamit ng kalaro mo. Palagi akong talo rito. Saka
sa bato-bato-pik, lalo na kapag ang pustahan ay pitikan ng kamay.
Palaging mapula ang kamay ko noong bata pa ako.
***
Ito yung tunog
na pinasusundan sa amin ng facilitator namin sa aming recollection
noong grade six ako. Pinapikit niya kami, tapos ay susundan namin
ang tunog ng pitik na galing sa daliri niya. Pagkatapos ay iisipin
naming humihiwalay ang aming kaluluwa sa katawan namin. Lalabas
ang mga kaluluwang humiwalay sa katawan, lalabas ng pintuan ng classroom,
ng gate ng eskuwelahan. Babalik ang mga kaluluwa namin sa kanya-kanya
naming mga bahay, bibisitahin namin ang aming mga magulang, tapos
iisipin namin ang mga kasalanang nagawa namin sa kanila. Makikita
rin namin yung mga namatay naming kamag-anak, kakausapin nila kami.
Maiiyak daw kami dapat, tapos ay babalik na kami. Papasok na uli
ang kaluluwa namin sa gate ng eskuwelahan, sa pintuan ng classroom,
sa mga katawan namin. Didilat kami sa huling pitik ng facilitator.
Marami sa amin ang mapapaisip sa kahalagahan ng ginawa namin, pero
singbilis din ng pitik ang pagwawalang-bahala rito. Siguro'y masyado
lang kaming nabigla sa paltik ng high school life.
***
Noong nag-training
ako sa CAT namin, puro pitik din ang maririnig ko mula sa mga cadet
officer, lalo na kapag oras ng pahinga. Habang nakaupo kami'y patutunugin
ng isang officer ang kanyang mga daliri, at ang bawat pitik ay sasagutin
namin ng pahigang galaw, dapat ay ten degrees lang, hanggang sa
tuluyang lumapat ang likod namin sa sahig. Ididiretso na rin namin
ang aming mga paang naka-indian sit, at pipikit sa loob ng sampung
minuto. Dito na namin tinitimbang ang katuturan ng training na ginagawa
namin, kung bakit kailangan pang magpakabilad sa araw, magbuhat
ng riple, magmartsa at magsisigaw para igalang ng mga tao. Kung
bakit kahit pagsabihan kami ng mga magulang naming huwag nang magpakahirap
ay nagpapakahirap pa rin kami. Pagkatapos, may maririnig akong kaunting
kaluskos, at isang mabilis na tunog. Akala ko nga'y pitik din ito,
pero hindi pala. May umutot na naman sa aming squad.
***
Parang ganito
rin kabilis nawala yung ilang aktibista noong panahon ng Martial
Law. Isang pitik lang, maraming nawalan ng mga kapatid, kasintahan,
asawa, magulang kaibigan. At tila sa isang pitik lang ay nawala
rin ang kanilang kahalagahan. Parang kay bilis nilang nakalimutan.
Biglaan din
ang pagkakahanap ng isang grupo ng mga libingan sa isang masukal
na damuhan. Napanood ko yata sa telebisyon, noong hindi ako makatulog.
Sabi ng isang saksi, doon daw inililibing yung mga pinapatay noong
Martial Law. Sabi sa balita, nabura na raw yung mga pangalan sa
nitso, yung mga buto raw, tunaw na.
Tapos, sa isang
iglap, may maiisip ako. Mabilis, halos hindi ko mapaniwalaang naisip
ko—Bakit kaya parang mas malaman pa ang mga tunaw na laman
at buto, ang mga naburang pangalan sa nitso, ang madaliang palabas
sa telebisyon, bakit kaya parang mas may buhay pa sila kesa sa kasalukuyang
itinatae ng aking panulat?
Singbilis ng
pitik ang pagluha ko sa aking pagkahungkag.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|